Monday, October 31, 2016

Ang Internet


Ang internet ang pinakamalawak na daluyan ng impormasyon, tinatatawag ito “information superhighway,” sapagkat dito dumaraan lahat ng mga maliit at malalaking impormasyon na kinakailangan ng mga tao. Ang internet ay mula sa mga salitang inter at networking. Binago ng internet ang antas ng pamumuhay sa bansa at sa buong daigidig. Nagbukas ito ng mas malaking opurtunidad upang mas mapadali ang buhay ng mga tao. Mas mabilis na ang pagkuha ng impormasyon dahil sa internet. Mabilis na rin ang pagkakatuto dahil dito.
Ang blog ay nagmula sa salitang weblog. Ang taong nagpapatakbo ng isang blog ay tinatawag na blogger. May iba't ibang klase ng blog.
1. FASHION BLOG. Ito ay ginagamit upang magbahagi ng mga ideya sa larangan ng fashion. Isang sikat na blogger sa larangan ng fashion ay si Liz Uy.
2. PERSONAL BLOG. Ito ay ginagamit upang ilathala ng blogger ang pansariling mga sulatin. Ang itsapaperboy.blogspot ay isang halimbawa ng personal blog.
3. NEWS BLOG. Ito ay ginagamit upang magbahagi ng mga sariwang balita. Ang GMA at ABS-CBN ay mayroong news blog.
4. COMEDY BLOG. Ito ay naglalaman ng mga katatawanan. Kilalang comedy blog ang College Humor.
5. PHOTO BLOG. Ito ay naglalaman ng mga larawan. Tumblr ang isa sa pinakasikat na photo blog.
6. FOOD BLOG. Naglalaman ito ng mga resipi na ibinabahagi ng mga food blogger. Nagbabahagi ng mga resipi ang Del Monte sa amamagitan ng kanilang food blog.
7. VLOG. Pinaikling video at blog, ito ay naglalaman ng mga video na ibinahagi ng mga vlogger gaya nina Pewdiepie, John Cozart at Kai Honasan.
8. EDUCATIONAL BLOG. Naglalaman ng mga aralin na kailangan sa pag-aaral, o kahit na ano mang kapupulutan ng aral. Halimbawa ng mga ito ang Elite Daily, Futurism at Brainscape.

Ang Mass Media

Ang mass media ang pinakamalaki, pinakamaimpluwensyal at isa sa mga makakapangyarihang institusyon sa ating lipunan. Kabilang sa institusyong ito ang dyaryo, radyo at telebisyon. Kasama sa mass media ang siklo ng produksyon, distribusyon, pagkonsmo ng impormasyon, produkto at serbisyo sa lipunan kung saan tayo ay patuloy na nabubuhay. Hinuhubog tayo ng mass media, simula sa mga impormasyon at balitang ating nakukuha, ang mga nababasa natin sa mga tabloid at pahayagan, ang mga naririnig natin sa radyo, pati na rin ang nababasa natin sa mga social networking sites.

            Ang mga Pilipino ay namulat sa pakikinig ng radyo noong hindi pa nauuso ang telebisyon. Ang mga programa sa radyo ang may pinakamalawak at pinakamaraming naaabot na namamayan. Naaabot nito ang mga lugar na malayo sa kabayanan at siyudad. Ang radyo ang pinakamurang kasangkapan sa bahay. Madalas nakikirig rito ang mga drayber ng taxi at ang mga nasa pribadong sasakyan. Napapakinggan din ito sa mga tahanan, kainan at karinderya at sa mga opisina. Ito ang pangunahing pinagkukunan ng tao ng impormasyon, balita, payo, libangan at mga patalastas maliban sa dyaryo at mga tabloid
            Bukod sa radyo, isa ring pangunahing pinagkukunan ng impormasyon ang telebisyon. Ang panonood  ng telebisyon o panonood ay isang mahabang proseso ng pagbabasa, pagkuha at pag-unawa ng mensahe mula sa isang programa o palabas. Ang panonood ay isang uri ng pag babasa sapagkat imbes na mga letra o teksto ang nakalagay, mga tekstong biswal at awdyo ang iniintindi at binibigyang interpretasyon ng mga manonood.
           
            Nakahiligan na ng mga Pilipino sng panood ng mga paborito nilang programa. Makikitra ito sa pang-araw-araw na pamumuhay nila. Sa mga tahanan, sa mga bus, sa sinehan, sa mga tindihan at sari-sari store, maging sa mga restawrant at mga karinderya. Katulad ng radyo, isang malaking bahagi na rin ng kulturang Pilipino ang panonood at pagsubaybay sa mga teleserye at mga reality tv shows.


            Ang mga palabas ay may apat na uri, ang tanghalan o teatro, mga pelikula, telebisyon at youtube. Ang tanghalan o teatro ay isang palabas kung saan aktwal na umaarte ang tauhan ayon sa isang script. Ito ay may iskoring ng musika, may tunggalian, may tagpuan at wakas. Samantala, ang pelikula naman ay ang palabas na kung saan nauna na ang pag-arte at inirekord na lamang gamit ang kamera. Samakatuwid, ang pelikula ay mga palabas na hindi aktwal na napapanood ang pagtatanghal.Tulad ng tanghalan, ang palabas rin ay may iskoring ng musika at tagpuan. Sine ang tawag sa mga imaheng gumagalaw o motion pictures. Telebisyon, midyum ng mga programa upang maipalabas ito. Mraming uri ng palabas sa telebisyon kabilang ang mga teleserye, komedya o komedi-serye, telenovela, pelikula, mga balitang panglokal at pangdaigdig, mga dokumetaryo, variety show at reality tv shows at game shows. Ang Youtube ay isang popular na site kung saan maaaring mag-upload ng mga videos ang mga netizens o mga taong gumagamit ng internet.

Ang Konsepto ng Komunikasyon

Ang komunikasyon ay isang proseso ng paghahatid at pagtanggap ng impormasyon, ideya, damdamin, pala-palagay ng isang tao o grupo ng tao mula sa iba. Ang komunikasyon ay pinakamahalaga sa buhay ng isang tao. Ang kahalagahan ng komunikasyon sa pang-araw-araw na buhay ng tao ay hindi masusukat.


            Ang komunikasyon ay maaaring maganap sa pagitan ng dalawang indibidwal, o tatlo at higit pa, o maaari ring sa pagitan ng isa sa isang malaking bilang ng tao. Ang abilidad ng komunikasyon at pag-iisip ay naghihiwalay sa tao mula sa ibang hayop at nagsasabing ang tao ang pinakamatalinong bagay na nabubuhay sa buong mundo.
      May tatlong antas ng komunikasyon, ang intrapersonal, interpersonal at organisasyonal. Ang intrapersonal na komunikasyon ay tumutukoy sa pakikipag-usap mo sa iyong sarili. Halimbawa nito ay pagninilaynilay, meditasyon at pagrerepleksyon. Ang interpersonal naman na antas ng komunikasyon ay nagaganap sa pagitan ng dalawa o higit pang kalahok. Ang halimbawa naman nito ay pakikipagtalastasan sa kaibigan, sa kapatid o miyembro ng pamilya. Ang pinakahuli naman ay ang organisasyonal, kung saan nagaganap ito sa loob ng isang organisasyon tulad ng paaralan, simbahan, kompanya, pamayanan, at iba pa. Ito ay nangyayari sa pagitan mga taong may iba’t-ibang posisyon, obligasyon at responsibilidad sa lipunan.

            Isang proseso ang komunikasyon, kung saan iba’t-ibang mga yugto ang dinaraanan ng mensahe bago ito makarating sa pagbibigyan. Dahil dito, nagkaroon ng  iba’t-ibang modelo ng komnikasyon. Ngunit, mayroong pangkaraniwang modelo ang komunikasyon, kung saan binubuo ito ng tagapagdala, mensahe, tsanel, tagatanggap, at tugon. Ang tagapagdala o sender ang pinagmumulan ng mensahe. Ang mensahe naman ay ang mga impormasyon, damdamin, kuro-kuro, pala-palagay at ideya na nakapaloob sa wika. Ang tsanel ay ang midyum upang maihatid ang mensahe sa patutunguhan nito. Samantala, ang tagatanggap naman o receiver ay ang tao o institusyong pagdadalhan ng mensahe. At ang tugon naman o feedback ay ang reaksiyon ng tagatanggap sa mensaheng ibinigay ng tagapagdala.


Kategorya ng Wika

Nahahati sa dalawang kategorya ang wika, ang pormal at di-pormal na wika. Ang wikang pormal ay wikang karaniwang ginagamit at kinikilala ng mga nakakarami sapagkat ito ay angkop at tama sa lipunan.. Karaniwang ginagamit ang wikang ito ng mga dalubhasa, mag-aaral, may mataas na antas sa lipunan at mga taong may desenteng trabaho. Kadalasan itong ginagamit sa paaralan at opisina.               May dalawang kaantasan ang wikang pormal. Ang wikang opisyal at pambansa, na ginagamit ng mga taong may posisyon sa pamahalaan, awtoridad, mga taong may mataas na antas sa lipunan, at mga dalubhasa. Ito rin ang wikang ginagamit panturo at paggawa ng manuskripto ng mga libro, At wikang pampanitikan, na wikang karaniwang ginagamit ng mga manunulat sa mga akdang pampaniitikan. Ito rin ang ginagamit sa imahinatibong pagsulat. 
       Samantala, ang wikang di-pormal ay wikang ginagamit ng mga tao sa pang-araw-araw nitong pakikipag-usap at pakikipagtalastasan. Tulad ng wikang pormal, nahahati rin sa antas ang wikang di-pormal. Nahahati ito sa tatlong antas, ang wikang panlalawigan o salitang diyalektal, na ginagamit sa isang partikular na lugar, lalawigan o pook at may pagkakaiba-iba sa kahulugan at tono sa bang salita, ang wikang balbal, na katumbas ng slang sa Ingles, pabago-bagodahil sa modernong panahon, at madalas marinig sa kalsada at lansangan, at wikang kolokyal, na salitang ginagamit kadalasan sa pang-araw-araw na pag-uusap at pakikipagtalastasan.

Ang Konsepto ng Wika

Isa sa pangunahing haligi ng kultura ang wika. Ayon kina Emmert at Donagby (1981), ang wika ay isang sistema ng mga sagisag na pasulat, pabigkas o paggalaw ng katawan na naiiuugnay sa kahulugang  nais ipabatid ng ibang tao. Samantalang ayon naman kay Gleason (1988), ito ay isang sistematikong balangkas ng mga sinasalitang tunog na pinipili at inaayos sa paraang arbitrary upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura. Samakatuwid, ang wika ay isang sistema ng kalipunan ng mga sagisag at simbolo na isinasalita, binibigkas, isinusulat at inaakto ng mga taong kabilang sa isang partikular na bansa o kabilang sa isang kultura.

            Ang wika ang nagsisilbing tagadala ng kultura sapagkat naiisalin ang kultura sa pamamagitan ng salin-dila o pagpapapasa o pagkukwento ng mga bagay-bagay gamit ang pagsasalita. Kung kaya’t dito nagmula ang mga kasabihan ng mga matatanda at kwentong bayan at mga alamat na patuloy lumiligid sa kasalukuyang panahon. Ang wika rin ang pinakamahalagang sangkap at ugnayan ng pakikipagkapwa tao. Ito rin ang pinakamabisang sangkap sa paghahatid at pagbibigay ng ideya, kaisipan, diwa at damadamin ng bawat tao. Malaki ang ginagampanan ng wika sa pakikipag-unawaan at pakikisalamuha ng mga tao sa  pang-araw-araw nitong buhay, sa tahanan, paaralaan, pamayanan at lipunan. Ginagamit natin ang wika sa pakikipagtalastasan, paglinang ng pagkatuto, pagsaksi sa lipunang pagkilos, imabakan ng kaalaman ng bansa, gamit upang isiwalat ang damdamin at upang sumulat ng literaturang imahinatibo.

Thursday, October 27, 2016

PANIMULA


Ang iKlikFilipino ay isang blog na nilikha upang tulungan ang mga mag-aaral sa kanilang mga aralin. Malaking tulong ito para sa mga kasalukuyang nasa ika-labing isang baitang na o Grade-11 ng Senior High School.
            Nakapaloob sa blog na ito ang mga aralin sa asignaturang 'Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at
 Kulturang Pilipino.'