Monday, October 31, 2016

Ang Konsepto ng Komunikasyon

Ang komunikasyon ay isang proseso ng paghahatid at pagtanggap ng impormasyon, ideya, damdamin, pala-palagay ng isang tao o grupo ng tao mula sa iba. Ang komunikasyon ay pinakamahalaga sa buhay ng isang tao. Ang kahalagahan ng komunikasyon sa pang-araw-araw na buhay ng tao ay hindi masusukat.


            Ang komunikasyon ay maaaring maganap sa pagitan ng dalawang indibidwal, o tatlo at higit pa, o maaari ring sa pagitan ng isa sa isang malaking bilang ng tao. Ang abilidad ng komunikasyon at pag-iisip ay naghihiwalay sa tao mula sa ibang hayop at nagsasabing ang tao ang pinakamatalinong bagay na nabubuhay sa buong mundo.
      May tatlong antas ng komunikasyon, ang intrapersonal, interpersonal at organisasyonal. Ang intrapersonal na komunikasyon ay tumutukoy sa pakikipag-usap mo sa iyong sarili. Halimbawa nito ay pagninilaynilay, meditasyon at pagrerepleksyon. Ang interpersonal naman na antas ng komunikasyon ay nagaganap sa pagitan ng dalawa o higit pang kalahok. Ang halimbawa naman nito ay pakikipagtalastasan sa kaibigan, sa kapatid o miyembro ng pamilya. Ang pinakahuli naman ay ang organisasyonal, kung saan nagaganap ito sa loob ng isang organisasyon tulad ng paaralan, simbahan, kompanya, pamayanan, at iba pa. Ito ay nangyayari sa pagitan mga taong may iba’t-ibang posisyon, obligasyon at responsibilidad sa lipunan.

            Isang proseso ang komunikasyon, kung saan iba’t-ibang mga yugto ang dinaraanan ng mensahe bago ito makarating sa pagbibigyan. Dahil dito, nagkaroon ng  iba’t-ibang modelo ng komnikasyon. Ngunit, mayroong pangkaraniwang modelo ang komunikasyon, kung saan binubuo ito ng tagapagdala, mensahe, tsanel, tagatanggap, at tugon. Ang tagapagdala o sender ang pinagmumulan ng mensahe. Ang mensahe naman ay ang mga impormasyon, damdamin, kuro-kuro, pala-palagay at ideya na nakapaloob sa wika. Ang tsanel ay ang midyum upang maihatid ang mensahe sa patutunguhan nito. Samantala, ang tagatanggap naman o receiver ay ang tao o institusyong pagdadalhan ng mensahe. At ang tugon naman o feedback ay ang reaksiyon ng tagatanggap sa mensaheng ibinigay ng tagapagdala.


No comments:

Post a Comment