Monday, October 31, 2016

Ang Konsepto ng Wika

Isa sa pangunahing haligi ng kultura ang wika. Ayon kina Emmert at Donagby (1981), ang wika ay isang sistema ng mga sagisag na pasulat, pabigkas o paggalaw ng katawan na naiiuugnay sa kahulugang  nais ipabatid ng ibang tao. Samantalang ayon naman kay Gleason (1988), ito ay isang sistematikong balangkas ng mga sinasalitang tunog na pinipili at inaayos sa paraang arbitrary upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura. Samakatuwid, ang wika ay isang sistema ng kalipunan ng mga sagisag at simbolo na isinasalita, binibigkas, isinusulat at inaakto ng mga taong kabilang sa isang partikular na bansa o kabilang sa isang kultura.

            Ang wika ang nagsisilbing tagadala ng kultura sapagkat naiisalin ang kultura sa pamamagitan ng salin-dila o pagpapapasa o pagkukwento ng mga bagay-bagay gamit ang pagsasalita. Kung kaya’t dito nagmula ang mga kasabihan ng mga matatanda at kwentong bayan at mga alamat na patuloy lumiligid sa kasalukuyang panahon. Ang wika rin ang pinakamahalagang sangkap at ugnayan ng pakikipagkapwa tao. Ito rin ang pinakamabisang sangkap sa paghahatid at pagbibigay ng ideya, kaisipan, diwa at damadamin ng bawat tao. Malaki ang ginagampanan ng wika sa pakikipag-unawaan at pakikisalamuha ng mga tao sa  pang-araw-araw nitong buhay, sa tahanan, paaralaan, pamayanan at lipunan. Ginagamit natin ang wika sa pakikipagtalastasan, paglinang ng pagkatuto, pagsaksi sa lipunang pagkilos, imabakan ng kaalaman ng bansa, gamit upang isiwalat ang damdamin at upang sumulat ng literaturang imahinatibo.

No comments:

Post a Comment